Dekada 1930

| Milenyo: | ika-2 milenyo |
| Dantaon: | |
| Dekada: | |
| Taon: |
Ang dekada 1930 (binibigkas na "labinsiyam na tatlumpu"; pinaikli bilang d. 1930 o dekada '30 na kadalasang binibigkas bilang dekada Bente) ay ang panahong nagsimula noong Enero 1, 1930 at nagtapos noong Disyembre 31, 1939. Sa Estados Unidos, ang Dust Bowl ang nagbigay sa dekadang ito ng bansag na "Dirty Thirties".
Tinukoy ang dekadang ito ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya at pulitika na nauwi sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Naranasan ang pagbagsak ng pandaigdigang sistemang pinansyal, na nagsimula sa pagguho ng pamilihan ng sapi sa Wall Street (o Kalyeng Wall) noong 1929, ang pinakamalaking pagbagsak ng pamilihan ng sapi sa kasaysayan ng Amerika. Ang sumunod na pagbagsak ng ekonomiya, na tinawag na Malawakang Depresyon, ay nagdulot ng matinding panlipunang epekto sa buong mundo, na humantong sa malawakang kahirapan at kawalan ng trabaho, lalo na sa makapangyarihang ekonomiya ng Estados Unidos at sa Alemanya, na nahihirapan na noon sa pagbabayad ng danyos para sa Unang Digmaang Pandaigdig. Ang Dust Bowl sa Estados Unidos (na nagbigay ng bansag na "Dirty Thirties") ay lalo pang nagpalala sa kakulangan ng yaman. Ang Pangulo ng Estados Unidos na si Franklin D. Roosevelt, na nanungkulan noong 1933, ay naglunsad ng malawakang mga repormang panlipunan at mga planong pampasigla na tinawag na New Deal o Bagong Kasunduan bilang tugon sa krisis. Ang ikalawang limang-taóng plano ng Unyong Sobyet ay nagbigay-priyoridad sa mabigat na industriya, na naglapit dito sa Alemanya bilang isa sa mga pangunahing tagapagprodyus ng bakal sa mundo, habang pinahusay din ang komunikasyon. Umusad ang unang alon ng peminismo, kung saan nakamit ng kababaihan ang karapatang bumoto sa Timog Aprika (1930, para lamang sa mga puti), Brasil (1933), at Cuba (1933). Kasunod ng pag-angat ni Adolf Hitler at ang paglitaw ng NSDAP bilang tanging legal na partido sa bansa noong 1933, nagpataw ang Alemanya ng serye ng mga batas na nagtatangi laban sa mga Hudyo at iba pang minoryang etniko.
Nagpatupad ang Alemanya ng agresibong patakarang panlabas, muling pinasandatahan ang Renania (1936), isinama ang Austriya (1938) at ang Sudetenland (1938), bago salakayin ang Polonya (1939) at simulan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa pagtatapos ng dekada. Ang Italya ay nagpatuloy din sa agresibong patakarang panlabas, tinalo ang paglaban sa Libya (1932) bago salakayin ang Ethiopia (1935) at pagkatapos ay ang Albanya (1939). Parehong nakialam ang Alemanya at Italya sa Digmaang Sibil sa Espanya, na sumuporta sa mga Nasyonalista na pinamunuan ni Francisco Franco laban sa mga Republikano, na sinuportahan naman ng Unyong Sobyet. Nahinto ang Digmaang Sibil sa Tsina dahil sa pangangailangang harapin ang ambisyong imperyal ng Hapon, kung saan bumuo ang Kuomintang at ang Partido Komunista ng Tsina ng Ikalawang Nagkakaisang Prente upang labanan ang Hapon sa Ikalawang Digmaang Sino-Hapones, na pinakamalaking digmaang Asyano ng ika-20 dantaon.[1] Kabilang sa iba pang mga labanan ang mga digmaang interstate tulad ng Digmaang Kolombya–Peru (1932–1933), Digmaang Chaco (1932–1935), at Digmaang Saudi–Yemen (1934), pati na rin ang mga panloob na tunggalian sa Brasil (1932), Ekwador (1932), El Salvador (1932), Austriya (1934), at Palestinang Briton (1936–1939).
Noong dekada 1930 sa Pilipinas, naging panahon ito ng transisyon mula sa pamamahala ng Estados Unidos ng Amerika tungo sa paghahanda para sa kasarinlan. Ipinasa ang Batas Tydings–McDuffie noong 1934 na naglatag ng 10 taong transisyon, na sinundan ng pagtatatag ng Pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas noong 1935 sa ilalim ni Manuel L. Quezon. Pinagtibay rin ang Saligang Batas ng 1935 bilang balangkas ng pamahalaan. Gayunpaman, naapektuhan ang bansa ng Malawakang Depresyon, na nagdulot ng pagbagsak ng presyo ng mga produktong agrikultural, kahirapan, at kawalan ng trabaho. Kasabay nito, isinulong ang paghahanda sa pambansang depensa sa pamamagitan ng pagbuo ng sandatahang lakas sa tulong ni Douglas MacArthur, habang pinalawak ang demokrasya sa pagbibigay ng karapatang bumoto sa kababaihan noong 1937. Sa huling bahagi ng dekada, lumalakas ang tensyon sa rehiyon dahil sa paglawak ng Hapon, na nagbabadya ng paparating na digmaan.
Ang buong dekada ay minarkahan ng malawakang kawalan ng trabaho at kahirapan, bagaman ang deplasyon (ibig sabihin, pagbaba ng mga presyo) ay nalimitahan lamang sa mga taong 1930–32 at 1938–39.[2] Bumaba ang mga presyo ng 7.02% noong 1930, 10.06% noong 1931, 9.79% noong 1932, 1.41% noong 1938, at 0.71% noong 1939. Naganap ang matinding taggutom sa mga pangunahing rehiyong tagapagprodyus ng butil sa Unyong Sobyet mula 1930 hanggang 1933, na nagdulot ng 5.7 hanggang 8.7 milyong pagkamatay. Kabilang sa mga pangunahing sanhi nito ang sapilitang kolektibisasyon ng agrikultura bilang bahagi ng Unang Limang-Taóng Plano, sapilitang pagkuha ng butil, mabilis na industriyalisasyon, pagbawas ng lakas-paggawang agrikultural, at ilang matitinding tagtuyot. Isang katulad na taggutom ang naganap sa Tsina mula 1936 hanggang 1937, na pumatay ng humigit-kumulang 5 milyong tao. Ang mga pagbaha sa Tsina noong 1931 ay nagdulot ng 422,499 hanggang 4,000,000 pagkamatay. Kabilang sa mga malalaking lindol sa dekadang ito ang lindol sa Quetta noong 1935 (30,000–60,000 pagkamatay) at ang lindol sa Erzincan noong 1939 (32,700–32,968 pagkamatay).
Sa pagdating ng pelikulang may tunog noong 1927, ang musikal ang naging pinakapopular na uri ng pelikula sa mga manonood, dahil ito ang anyong pinakamainam upang ipakita ang bagong teknolohiya. Ang animatasyong musikal na pantasya na Snow White and the Seven Dwarfs (1937) ang naging pinakamalaking kumita sa dekadang ito batay sa renta ng distribusyon. Sa usapin ng kita mula sa distribusyon, ang epikong romantikong historikal na pelikula na Gone with the Wind (1939) ang nanguna at nananatiling may pinakamataas na kita (kapag inangkop sa implasyon) hanggang sa kasalukuyan. Lumago rin ang kasikatan ng mga pelikulang komedya matapos ang Panahong Tahimik, sa tulong ng mga komedyanteng tulad ng The Three Stooges[3] at Marx Brothers. Kabilang sa mga tanyag na nobela ng dekadang ito ang The Good Earth, Anthony Adverse, at Gone with the Wind, na pawang naging pinakamabentang aklat sa Estados Unidos sa loob ng dalawang magkasunod na taon. Si Cole Porter ay isang tanyag na musikero noong Dekada 1930, kung saan ang dalawa niyang awit na "Night and Day" at "Begin the Beguine" ay naging numero unong hit noong 1932 at 1935. Ang huling awit ay kabilang sa genre na Swing, na umusbong bilang pinakapopular na anyo ng musika sa Estados Unidos mula 1933. Sa huling bahagi ng dekada, dalawa sa pinakatanyag na superhero at pinakakilalang mga kathang-isip na tauhan sa mundo ang ipinakilala sa mga komiks; unang lumitaw si Superman noong 1938, at si Batman noong 1939.

Sa Pilipinas, sumigla ang industriya ng pelikula bilang negosyo at libangan—lumitaw ang mga unang studio at kalaunan ay pinamunuan ng malalaking kumpanya ang produksyon ng pelikula.[4] Nailabas ang pelikulang Punyal na Guinto ni Jose Nepomuceno noong 1933 na siyang tinuturing na unang pelikula sa Pilipinas na may tunog.[5] Itinatag din sa Pilipinas noong dekada 1930 ang mga pribadong paaralan ng musika na nakatuon sa klasikong musika, tulad ng Academy of Music (1930) o Akademya ng Musika na itinatag ni Alexander Lippay at ang Manila Conservatory of Music (1934) o Konserbatoryo ng Musika ng Maynila na itinatag ni Rodolfo Cornejo.[6] Karagdagan dito, ang musika ng Pilipinas noong dekada 1930 ay naging halong pagsasanib ng katutubo, popular, at Kanluraning klasikal. Itinaguyod ng Konserbatoryo ng Musika ng Unibersidad ng Pilipinas ang klasikong musika bilang mataas na sining, subalit nanatiling malabo ang hangganan nito sa popular na anyo dahil ang mga musikero ay aktibo rin sa teatro, pelikula, at iba pang libangan sa lungsod.[7] Kasabay nito, naging institusyonalisado ang pagsasanay sa musika sa pamamagitan ng mga konserbatoryo at paaralan, at ang mga kompositor tulad nina Nicanor Abelardo at Francisco Santiago ay lumikha ng mga akdang gumagamit ng Kanluraning anyo gaya ng simponiya at konserto.[8] Popular pa rin ang bodabil noong dekada 1930 at si Katy de la Cruz, ang tinaguriang Reyna na Bodabil, ay pinakilala noong panahon na iyon sa awting "Balut" na isang mabilis na mala-jazz na musika na sinulat ni Jerry Brandy.[9] Sikat din ang awiting jazz sa radyo sa Pilipinas at si Priscilla, o ang tinaguriang Kolynos Girl, ang pinakatanyag na mang-aawit ng jazz.[10] Gayundin, napapabilang din sa palatuntunan sa radyo ang pagpapatugtog ng mga rekord na Pilipino at live (o hindi nakarekord) na pag-awit ng kundiman.[10]
Lumaki ang populasyon ng mundo mula 2.05 bilyon hanggang 2.25 bilyong tao sa loob ng dekada, na may humigit-kumulang 750 milyong kapanganakan at 550 milyong pagkamatay.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Bix, Herbert P. (1992). "The Showa Emperor's 'Monologue' and the Problem of War Responsibility". Journal of Japanese Studies (sa wikang Ingles). 18 (2): 295–363. doi:10.2307/132824. JSTOR 132824.
- ↑ "Inflation and CPI Consumer Price Index 1930–1939" (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2014-05-04.
- ↑ "History of The Three Stooges: Pop-Culture Icons Forever". Tedium: The Dull Side of the Internet. (sa wikang Ingles). 2021-10-27. Nakuha noong 2023-12-27.
- ↑ "A Filipino in America: 1930s Pelikulang Filipino, Amerikanong Kolonialismo, at Negosiasyon ng Kolonyalidad - University of the Philippines" (sa wikang Ingles). 2019-02-19. Nakuha noong 2026-04-30.
- ↑ "History of Philippine Cinema". San Diego Filipino Cinema (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-04-30.
- ↑ Canave-Dioquino, Corazon. "Music in the Philippines since 1898". National Commission for Culture and the Arts (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2021-11-26. Nakuha noong 2026-05-01.
- ↑ Buenconsejo, Jose Semblante (2020-08-08). "The "Popular" in Philippine Music". Journal of Philippine Music (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-05-01.
- ↑ "Philippines: Modern and Contemporary Performance Practice", The SAGE International Encyclopedia of Music and Culture (sa wikang Ingles), 2455 Teller Road, Thousand Oaks, California 91320: SAGE Publications, Inc., 2019, doi:10.4135/9781483317731.n561, ISBN 978-1-4833-1775-5, nakuha noong 2026-05-01
{{citation}}: CS1 maint: location (link) CS1 maint: work parameter with ISBN (link) - ↑ Kaye Villagomez (Nobyembre 14, 2004). "A Tribute to a Queen". Manila Bulletin (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong May 1, 2007. Nakuha noong Marso 15, 2008.
- 1 2 Ladrido, R.C. (Hulyo 17, 2022). "100 Years: Broadcasting in Our Everyday Lives". Vera Files (sa wikang Ingles). Nakuha noong Mayo 6, 2026.